sa dibdib ng Cordillera
(nalathala sa Kabayan noong Oktubre 5, 2002)
nahawi na ang karimlan
na bumabalabal sa buwan
kasing tamlay ng mga tala
ang mga matang nagmamatyag
sa mga aninong naglalaho
sa sukal na daan patungo
sa isang lihim na tagpuan
minsan
tanging mga yabag ng paa nila
ang maririnig tuwing bukang-liwayway
dala-dala'y araro at hindi armas
pawis at hindi dugo ang umaagos
sa sunog nilang balat
at hapung katawan
anong poot ang naglalagablab
sa kanilang dibdib
kung kaya't sila ngayo'y animo
mandirigmang manhid sa sugat
ng salita't kagat ng taglamig?
bukas
sa may gulod - kalbaryo
ng mga kayumangging senturion
makikita ang mga palatandaang
walang pangalan o alaala
tanging mga damong ligaw
at mga ibong gala ang nakapag-alay
ng dasal bago sila tuluyang ibaon
sa limot
(isinulat noong ika-19 septembre 2002)
ikaw
(nalathala sa Kabayan noong Oktubre 5, 2002)
ikaw
ikaw ang bait
at sama ng aking kaisipan
ikaw ang luha
tuwa at lungkot ng aking mga mata
ikaw ang bulong
ingay at katahimikan ng aking pandinig
ikaw ang Gumamela Celis
halimuyak ng bulaklak sa gabi't umaga
ikaw ang hininga
tamis at pait ng aking mga labi
ikaw ang tula
buhay at kamatayan na aking pagkamakata
ikaw ang haplos
init at lamig ng aking mga palad
ikaw ang pag-ibig
tibok ng puso sa aking dibdib
ikaw ang langit at lupa
ikaw ang kamunduhan
mundo na aking pinagmulan
ikaw ang bilang
minuto sa bawat oras
araw ng buwan sa lumilipas na mga taon
ikaw
ikaw ang Urduja
ng luma at bagong Pangasinan
ikaw ay ako
ako ay ikaw rin
nilikhang pinag-isa
anino at laman ng Diyos
na hindi maiguhit ang mukha